HINDI siya for public viewing.
Ito ang naging desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa kontrobersyal na pelikulang “Dear Satan”, ayon sa chairperson nito na si Lala Sotto.
Ayon kay Sotto, ang pelikula na tinuligsa rin ng publiko dahil sa pagpapakita kay Satanas sa positibong pananaw ay paglabag sa Presidential Decree (PD) No. 1986.
“It was given an X rating. They have not appealed yet, but it has been found to be violative of the PD 1986,” ayon kay Sotto sa isinagawang pagdinig ng Senate subcommittee on finance’s hearing sa proposed budget ng MTRCB at ng Film Development Council of the Philippines (FDCP).
“I have seen the film. I joined the board. I am offended as a Christian. It is not demonic, but it has a different depiction of Satan becoming good. But Satan will never ever be good,” pahayag nito.
Paliwanag naman ng beteranong movie maker at FDCP chairperson Jose Javier Reyes na ang pelikula ay bahagi ng Movie Workers’ Welfare Foundation (Mowelfund) workshop script tungkol sa isang bata na sumusulat kay Santa Claus ngunit nagkamali sa spelling nito at naging Satan.