INIHAYAG ng direktor na si Darryl Yap na hindi na muna siya magsasalita ukol sa merito ng kasong isinampa laban sa kanya ni TV host-actor Vic Sotto.
Ngayong araw ay isinapubliko ni Yap na inaprubahan ng Muntinlupa Regional Trial Court ang kanyang urgent motion for issuance of gag order.
“Meron na pong GAG ORDER sa lahat, di na kami pwede magpahayag tungkol sa merito ng kaso, para di magkaroon ng kaguluhan sa pag-iisip ng tao,” ani Yap.
“Ito na po ang huling pagkakataon na magsasalita ako patungkol sa kaso at naway malinaw po ito sa lahat ng sumusubaybay,” dagdag niya.
Base sa utos ni Judge Liezel Aquitan ng Muntinlupa RTC Branch 205, ipununto naman ni Yap na “nagkakamali ang Divina Law (ang abogado ng kabila) na may order na ang husgado na i-takedown ang aking promo materials para sa #TROPP #TROPP2025 The Rapists of #PepsiPaloma. Wala pong takedown order.”
Idinagdag ni Yap na ang pagdinig sa kaso ay naurong sa Enero 17 mula Enero 15 bunsod ng inihain niyang petisyon para ma-consolidate ang inihaing petisyon para sa writ of habeas data ng kampo ni Sotto sa nasabing asunto.