IBINANDERA ng direktor na si Darryl Yap na hindi espekulasyon at haka-haka ang kuwento sa pelikula niya ukol sa buhay ng namayapang aktres na si Pepsi Paloma.
Ani Yap sa Facebook post, isinulat niya ang kuwento ni Pepsi batay sa pakikipag-usap niya sa ina at kapatid ni Pepsi na sina Zaldy at Lydia.
Aniya, panahon na para marinig at malaman ng publiko ang katotohanan mula mismo sa kapamilya ng aktres.
“Sa loob ng 40 taon, pinakinggan at pinaniwalaan nyo na ang mga sikat, mga may pangalan, mga makapangyarihan, mga nagsalitang sila ang may alam, mga nagsabing sila ay kaibigan.
“Ngayon, bigyan natin ng pagkakataon ang Inang nanahimik nang napakatagal na panahon, ang Inang matapos mawalan ng anak ay patuloy na nasasaktan sa mga paratang at panghuhusga.
“Tapos na ang pananahimik ng nakababatang kapatid ni Pepsi, na noo’y 15 years old lamang, kasama ng aktres hanggang sa mismong araw na siya ay natagpuang walang buhay sa loob ng aparador,” pagbabandera ni Yap.
Deklarasyon pa niya: “Mananahimik ang Kasinungalinan dahil walang Kamatayan ang Katotohanan. Sila naman ang magsasalita, Sila naman ang magkukwento. PAMILYA. HIGIT SA LAHAT.”