Site icon Pinoy Publiko

Darryl Yap dumipensa vs asunto ni Vic Sotto

HINDI nangangamba ang direktor na si Darryl Yap sa mga kasong kriminal at sibil na isinampa sa kanya ni TV host-actor Vic Sotto dahil ang “depensa” niya ay “katotohanan.”

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Yap na karapatan ni Sotto na magreklamo.

“Kalayaan ng kahit sino ang magsampa ng reklamo, Walang may monopolyo sa katarungan, lalo na sa katotohanan,” lahad niya.

“Malaya ang sinuman na magsampa ng reklamo, para mas maging malinaw ang totoo. dahil sa huli, Katotohanan lang ang depensa sa lahat ng Katanungan,” dagdag ng direktor.

Ngayong araw, Enero 9, ay naghain ng reklamong cyber libel at P35 milyon damage suit si Sotto laban kay Yap kaugnay sa pagbanggit sa pangalan ng aktor sa teaser ng pelikulang “The Rap*sts of Pepsi Paloma.”

Gayunman, ipinunto ni Yap na hindi hinuhusgahan ng teaser si Sotto.

“Inurong ba ni Pepsi ang asunto? ang sagot ay nasa litrato. Hindi ba napatunayan ang akusasyon ni Pepsi? ang sagot ay nasa litrato,” giit niya.

Pero, dagdag ni Yap: “NAGSAMPA BA NG KASONG RAPE SI PEPSI LABAN KAY VIC SOTTO? ang sagot rin ay nasa litrato.”

Pinanindigan ni Yap ang pagbanggit sa pangalan ni Sotto sa teaser dahil “ito ay nasa maraming lathalain, ito ay nasa mga naburang bidyo, ito ay nasa mga lumang dyaryo.”

“Delia, Pepsi— Babalik tayo sa Korte…Ang Pilipino sa Sinehan,” pangako ni Yap.

Exit mobile version