INISA-ISA ng batikang showbiz host at columnist na si Cristy Fermin ang mga rason niya kung bakit hindi niya iboboto si Willie Revillame na planong pagtakbo nito bilang senador sa 2025 midterm elections.
Una, ani Cristy, hindi kusang-loob ang mga pagtulong ni Willie.
“Binabalikan mo (Willie) ‘yung mga taong tinulungan mo, nanunumbat ka. ‘Yan ba ‘yung kusang-loob?” giit niya.
Ikalawa, magiging sunud-sunuran daw ito sa mga sasabihin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Public servant ka. Ikaw ang dapat gumawa ng paraan para magserbisyo-publiko ka. Nakakatakot lang ‘to,” punto ni Cristy.
Ikatlo, pabida ang game show host.
“Noong 2022 hindi ka naman talaga tatakbo a? E bakit kailangan susugan mo ‘yung mga nasusulat na ‘yan? ‘Okay lang para pag-usapan ako.’ Yun ang ano niya. Ganoon, di ba? Mahirap ‘yung pangako ka nang pangako na hindi naman tinutupad,” sey niya.
At pinakahuli, napakaagang magdeklara ng pagtakbo si Willie na aniya ay isang “ilusyunado.”
“Kay aga-aga naman niya magdeklara. Next year pa ang eleksyon, ayan tuloy punong-puno ng bashing ‘yung pagde-declare niya…Ilusyunado si Willie. Wala kasi siyang trabaho kaya magpupulitika na lang,” ratrat ng host-writer.
Kaya sa darating na 2025 election, anunsyo ni Cristy: “Kung tatakbo siyang senador, sa mga pipiliin ko, wala ang pangalan ni Willie Revillame, ‘yon lang ‘yon!”