NIRERESPETO ni Cristy Fermin ang ginawang pagtanggi ng sexy actress na si AJ Raval sa ulat na nagdadalang-tao ito at ang aktor na si Aljur Abrenica ang ama.
Sa kanyang talk show na “Cristy Ferminute,” sinabi ni Cristy na tinatanggap niya ang reaksyon ni AJ
“Hindi po kami apektado…nang mag-deny po kagabi si AJ Raval tungkol sa ibinalita naming sa sitwasyon niya ngayon. Hindi po kami galit sa kanya. Natural lamang po na binibigyan namin ng pagkakataon ang mga artista na tanggapin o i-deny ang anumang balita na kumakalat tungkol sa kanila,” paliwanag ni Cristy.
Dagdag ng veteran show biz columnist at host, ang source niya na malapit kay AJ ang dapat kausapin nang masinsinan ng aktres
“Hindi tayo ang dapat niyang kausapin, ang ating source na may malaking malaking bahagi sa karera niya ngayon, kayong dalawa ang mag-usap,” aniya.
“Bahala na po si AJ Raval kung ano ang magiging desisyon niya, basta po, kami ay hindi apektado. Ito pong aming source e talaga namang sa buong karera ko po bilang manunulat, hindi po niya ako sinubukan ng kwento na katanung-tanong o pagdududahan,” dagdag ni Cristy.