Coleen: Billy hindi nag-hard drugs

IGINIIT ng aktres na si Coleen Garcia na sobrang okay at malusog ang asawang si Billy Crawford na nag-trending noong isang linggo dahil sa mga kumalat na larawan nito.

Ayon kay Coleen, pumayat si Billy dahil wala na itong mga bisyo.

“He’s more than okay. As in, ‘yun na nga, payat siya kasi wala na siyang mga bisyo,” aniya.

Klinaro niya na hindi kabilang sa mga bisyo ni Billy ang “hard drugs.”

 “Ang dami kasing nagsasalita, ‘di ba? Pero in his whole life, proud ako sa kanya na never siyang naka — and never even tried mga hard drugs or anything,” chika ni Coleen.

Sinabi ng aktres na hindi na nagsisigarilyo at umiinom ng alak ang mister.

“Billy used to struggle with alcoholism. He quit alcohol, he quit smoking, wala siyang bisyo ngayon, and he’s healthier than ever,” sambit niya.

Inahayag naman ng aktres na bunsod ng stress ang kasalukuyang itsura ni Billy.

“Ang hirap ng ginagawa niya. Every month, he leaves the country to work, and every time he leaves the country, he does several shows,” wika ni Coleen.