Claudine Barretto: Bastos mga anak ni Marjorie




MAKARAANG sabihing plastik ang ate niyang si Marjorie Barretto, ang mga anak naman nito ang pinagbalingan ng aktres na si Claudine Barretto.


Ani Claudine, hindi maganda ang pagpapalaki ni Marjorie sa kanyang mga anak.


“Hindi naman nila ina-acknowledge, so ayoko na rin sabihin na ako nagpalaki o tumulong sa pagpapalaki sa kanila. Kasi nga obviously hindi maganda ang pagpapalaki,” chika niya.


“Biruin mo pinalaki mo tapos babastusin ka,” dagdag ng aktres.


Gayunman, sinabi ni Claudine na walang problema sa kanya kung makakatrabaho niya ang pamangkin na si Julia Barretto, isa sa mga anak ni Marjorie.


“Alam mo pagkatrabaho, kahit anong trabaho pa ‘yan, basta nagustuhan ko ‘yung script, kahit sino ang kasama, okay lang kasi professional ako,” sabi niya.


“Pwede pa rin kaming magkatrabaho. Ang dami namang ganun eh, di nagkakasundo pero nagtatrabaho together,” hirit pa niya.


Kamakailan ay inilarawan ni Claudine si Marjorie na plastik dahil tuwing binibisita nito ang kanilang ina ay puro umano picture-taking lang ang inaatupag at hindi man lang kinukumusta ang matanda. –A. Mae Rodriguez