Chariz Solomon nawindang sa akusasyon ng ‘Bubble Gang’ co-star

INALALA ng aktres na si Chariz Solomon na isang dating kasamahan sa gag show na “Bubble Gang” ang inakusahan siya ng sexual harrassment.

Sa pagbisita niya kamakailan sa Kapuso program na “Lutong Bahay” ay inamin ni Chariz na may isang artista na ayaw na ayaw niyang makatrabaho at “gusto kong sampalin.”

Binanggit on-air ni Chariz ang pangalan ng lalaking co-star bagaman na-bleep ito.

“Mahabang istorya, pero buntis pa lang ako kay Apollo (panganay na anak niya,” kuwento ni Chariz.

“Kasi nga, first time kong nabuntis, di ba, anxiety dinala mo sa trabaho…Pareho kaming nasa Bubble noon, pero siya yung regular, ako semi-reg. Tapos nag-message siya sa akin. Nag-email siya na sa tingin ko, siya iyon, pero sinasabi niya girlfriend niya,” aniya.

“Sinabi niya hina-harass ko daw siya… sexually. As in type ko daw siya, ganoon,” dagdag niya.

Nagulat umano siya dahil hindi naman totoo na may gusto siya rito.

Dagdag ni Chariz, hindi na siya galit sa co-star pero noong mga panahon na iyon ay talaga raw nanggigigil siya rito.