Cast ng ‘Ang Probinsyano’ pinarangalan si Susan Roces; Grace Poe nagpasalamat

NAGPASALAMAT si dating Sen. Grace Poe sa tribute para sa kanyang namayapang inang si Susan Roces ng cast ng “FPJ’s Ang Probinsyano.”

Nitong Linggo ng gabi ay nakipaglamay ang cast at crew ng nasabing teleserye, kung saan nagbida rin si Roces, sa pangunguna nina Coco Martin at Sharon Cuneta.

“Sinariwa ng Ang Probinsyano family ang masasayang alaala at mga aral mula kay Lola Flora sa kanilang luksang parangal,” ani Poe.

“Maraming salamat sa ABS-CBN at Ang Probinsyano sa pagbibigay ng pagkakataon sa aking ina na maipagpatuloy ang trabahong mahal niya at manatiling bahagi ng buhay ng mga manonood na Pilipino,” dagdag ng nag-iisang anak nina Roces at namayapa na ring Action King na si Fernando Poe Jr.