Carlos Yulo, ‘Pambansang Inggrato’ – Maharlika

NIRATRAT ng vlogger na si Claire Contreras, mas kilala bilang Maharlika, si two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo dahil sa pagtatakwil nito sa pamilya.

Sa kanyang YouTube channel na “Boldyak,” sinabi ni Maharlika na darating din ang araw ng paniningil ng karma sa Pinoy gymnast.

“Sisingilin ka ng karma. Masakit sa isang magulang sa isang ina na dapat sila ang kasama mo,” aniya.

Nanawagan din si Maharlika na iboykot ang lahat ng ieendorso ni Yulo dahil hindi ito magandang ehemplo para sa mga kabataan.

“Dapat hindi sinusuportahan ‘yung endorsements niyan. Ano ipo-promote n’yo sa kanyang mga endorsement, ang maging suwail na anak?” wika niya.

Ipinagtanggol naman ni Maharlika ang mga magulang ni Carlos at sinabing hindi nila magagawang nakawin ang pera ng huli.

Nito lamang Agosto ay sinampahan si Maharlika, residente ng Los Angeles, ng mga kasong defamation at invasion of privacy ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades “Mel” Robles sa Central District Court of California sa US.