PINANINDIGAN ng Court of Appeals (CA) ang desisyon nito na atasan ang Department of Justice (DOJ) na sampahan ng mga kasong rape at acts of lasciviousness ang aktor-host na si Vhong Navarro.
Sa pitong-pahina na ruling na na-promulgate noong Setyembre 20 pero ngayong Linggo lamang ibinahagi sa media, ibinasura ng CA
Special 14th Division ang motion for reconsideration ni Navarro na pigilan ang Taguig City Prosecutor’s Office na ituloy ang pagsasampa ng kaso dahil sa “lack of substantive evidence presented.”
“The instant motions for reconsideration and for the issuance of a status quo ante order are DENIED for lack of merit,” ani CA Associate Justice Florencio Mamauag Jr.
Sa kanyang inihain na motion for reconsideration, ipinunto ni Navarro ang kawalan ng kredibilidad, katotohanan sa pahayag at mga ebidensya ng complainant na si Deniece Cornejo.
Pero sinabi ni Mamauag na mas mabuti nang suriin at pag-aralan ang mga nasabing isyu ng korte sa pamamagitan ng mga pagdinig.
“These matters are best left to the determination of the trial court after a full-blown trial on the merits,” aniya.
Matatandaan na dalawang beses ibinasura ng DOJ ang mga kaso hanggang baligtarin ng CA ang desisyon at atasan ang Taguig City Prosecutor’s Office na buhayin ang mga ito.
Sa kasalukuyan ay nakadetine si Navarro sa National Bureau of Investigation detention facility para sa kasong rape, na isang non-bailable offense.