ITINANGGI nina Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos at dating Quezon City Rep. Bong Suntay na naging karelasyon nila ang aktor na si Dominic Roque gaya ng pinalalabas ng ilang showbiz writers at social media personalities.
Sa panayam ni Jay Ruiz, kapwa sinabi nina Jalosjos at Suntay na matagal na nilang kaibigan at kasama sa riding club na EuroMonkeys si Dominic.
Ani Jalosjos, hindi totoo ang mga chika na “sugar daddy” siya ni Dominic at binilihan niya ito ng condominium unit.
“Actually, ‘yung condo totoong akin talaga ‘yon. Ginawa ko siyang Airbnb. Siyempre, as a friend, barkada, si Dom, asked me if I want to have it rented. Natawa na nga lang ako bakit tumalon ‘yung issue sa business na binahay na,” dagdag niya.
Ayon kay Jalosjos, mayroon silang kasunduan ni Dominic na aayusin nito ang condo unit at magbabayad lamang ng 50 percent ng renta. Tatlong taon nang nangungupahan ang aktor sa lugar, sabi niya. Para patunayan, ipinakita ni Jalosjos ang mga resibo ng pagbabayad ng aktor.
Ani Jalosjos, maraming netizens ang agad naniniwala dahil galing sa mga showbiz insiders ang kwento.
“Sana naman itong mga nagkakalat, claiming they are mga batikang journalist, sana naman ingat-ingat rin. They have responsibility to the people dapat fact-finding. Hindi ‘yung nalaman nila nasa pangalan ko ‘yung condo, sugar daddy na ako bigla. Ang problema doon sinakyan, gina-gaslight nila ‘yung issue,” sambit pa ng producer ng noontime show na “Tahanang Pinakamasaya.”
Kaugnay nito, naghayag din ng pag-aalala si Jalosjos dahil pinalalabas na isa ang isyu sa pinag-ugatan ng hiwalayan nina Dominic at Bea Alonzo.
“Naawa rin kami kay Dom. Affected na nga ‘yung tao sa breakup ili-link pa kami sa kanya. Kami pinagtatawanan lang talaga namin pero at some point kailangan talagang tumigil and I think these people have to be reprimanded. Kailangan may consequences, may batas tayo,” giit niya.
Klinaro naman ni Suntay, na idinidikit din ang pangalan kay Dominic dahil binilihan umano niya ito ng gasoline station, na brand ambassador lamang ang ex-boyfriend ni Bea sa kanyang negosyo.
“Kung talagang magre-research lang, makikita nila na as early as five years ago talagang brand ambassador na si Dominic. Ang nakakagulat nga ‘yung pinost pa nilang picture ‘yung contract signing namin ni Dom,” wika ng politiko.
Wala namang sinabi sina Jalosjos at Suntay kung may plano silang kasuhan ng cyberlibel ang mga writers at influencers na nagpahiwatig na karelasyon nila si Dominic.