‘Bubbles signing off’

NAMAALAM na si “Bubbles” sa “FPJ’s Batang Quiapo” pero sinabi ni Ivana Alawi, ang aktres na gumaganap rito, na mananatili sa kanyang puso ang Kapamilya action-serye.

Sa Facebook, todo-pasalamat si Ivana sa mga bumubuo ng programa, mula sa mga executives ng ABS-CBN hanggang sa bida rito na si Coco Martin.

“Nung unang inalok sakin ang Batang Quiapo, isang malaking tanong ang pumasok sa isip ko. Bakit ako? Kaya ko ba ito? Deserve ko ba?  Pero dala na ng aking tiwala sa ABSCBN lalo na kay Tita Cory, Direk Coco, at sa panalangin ko din, tinanggap ko siya ng buong puso. At sobrang proud ako sa show na ito,” aniya.

“Kaya naman gusto ko magpasalamat sa lahat ng bumubuo ng Batang Quiapo. Mula kay Direk Coco, hanggang sa lahat ng mga artistang nakasama ko, technical staff, production staff, at sa mga utilities…

Salamat sa pag aalaga ninyo sa akin,” dagdag niya. Pahayag pa ng aktres, mami-miss niya ang lahat ng mga nakasama niya rito.

“At ngayong tapos na ang isang chapter ng buhay ko sa Batang Quiapo, babaunin ko ang lahat ng natutunan ko,” sambit ni Ivana.

“From the bottom of my heart, Maraming salamat sa inyong lahat, sa inyong walang sawang pagtanggap sa akin gabi-gabi, sa pagmamahal niyo kay Bubbles. Salamat po ng marami at sana patuloy niyo parin supportahan ang Batang Quiapo. Hanggang sa muli, Bubbles signing off.”