Bakit nga ba napaiyak si Hipon sa Bb. Pilipinas ‘Meet the Press’?

NAGING emosyonal si Herlene Nicole “Hipon” Budol sa ginanap na press presentation para sa mga kandidata ng Binibining Pilipinas 2022.

Makaraang rumampa suot ang swimwear at casual wear, isa-isang nagbigay ng mensahe kay Herlene ang mga kaibigan.

Napahagulgol naman si Herlene, representative ng Angono, Rizal, nang makita ang kanyang manager na si Wilbert Tolentino at kaibigang komedyana na si Mosang at maalala ang namatay niyang lola.

“Akala ko birthday ko ‘to. Sayang wala si nanay, kumpleto na ako e. Sobrang kumpleto na ako, sobrang kumpleto na po ang buhay ko.

“Hay naku. Happy po ako sa nangyayari sa buhay ko pero hindi po ako titigil. Baka himatayin na ‘ko.

“Nanay, nasaan ka man, ‘I love you’.

“Hindi pa rin po ako titigil. Ako’y taong hindi marunong makuntento dahil alam ko kapag nakuntento ako, hanggang dito na lang ako.

“So, kung araw-araw akong natututo, araw-araw akong may naa-achieve, para sa pamilya ko, para sa mga taong naniniwala sa akin. Kaya maraming-maraming salamat sa pagbibigay n’yo ng oras sa akin, sa pamilya ko. Kayo ang inspirasyon ko,” ani Herlene.

Gaganapin ang Binibining Pilipinas 2022 coronation night sa Smart Araneta Coliseum sa July 31.