NAGHAIN ng reklamo ng acts of lasciviousness ang aktres na si Rita Daniela laban sa aktor na si Archie Alemania ngayong araw ng Miyerkules.
Sa kanyang reklamo na isinampa sa Bacoor City Prosecutor’s Office, sinabi ni Rita na paulit-ulit siyang hinalikan at hinawakan ni Alemania.
Ani Rita, naganap ang panghahalay noong nakaraang buwan makaraang kapwa sila dumalo ni Archie sa isang party.
Hinintuan umano siya ni Archie na sakay ng puting van at inalok na sumabay na lang pauwi.
Tumanggi ang aktres pero dahil sa pangungumbinsi ay tinanggap na rin niya ang alok ng aktor.
Habang nasa biyahe ay ipinatong umano ni Archie ang kamay niya sa balikat ni Rita saka hinaplos ang leeg nito. Agad namang tinanggal ng aktres ang kamay ng lalaki at sinabihang tumigil ito.
Pagdating sa kanyang bahay, kuwento ni Rita, hinawakan ni Archie ang kanyang kamay bago nanghingi ng halik.
Huminto lang si Archie nang sinabi ni Rita na isusumbong niya ito sa misis ng aktor.
Pero hindi natinag si Archie at ilang beses na hinalikan si Rita. Nakawala lang ang aktres nang maitulak niya ang aktor.
Bagamat nakababa ng sasakyan, hindi agad nakalayo ang aktres dahil nahawakan ni Archie ang bag niya at hinila siya palapit dito. Dagdag ng aktres, niyakap siya ni Archie at kinalabit.
Umiiyak na nagpumiglas ang aktres bago tuluyang nakawala sa pagkakayap ng aktor.
Makaraan ang insidente ay nag-message si Rita kay Archie para kumprontahin sa ginawa nito. Humingi naman ng paumanhin ang aktor at sinabing lasing lang siya.
“That being a public figure, a contractual artist with reputation to protect, it is very difficult for me to file the instant case but the trauma I was and am experiencing brought about by the incident gave me courage to face the consequences and file the instant case against the respondent,” pahayag ni Rita sa reklamo.