Archie Alemania hindi natatakot kay Rita Daniela

HINDI aatrasan ni Archie Alemania ang kapwa-Kapuso star na si Rita Daniela na inereklamo siya ng pangmomolestiya.

Sa recent episode ng online show na “Showbiz Now Na,” sinabi ng showbiz columnist na si Cristy Fermin na nakausap niya si Archie at itinanggi nito ang mga akusasyon ni Rita.

Dagdag ni Cristy, iginiit ni Archie na hindi niya pinagsamantalahan si Rita makaraan silang dumalo sa thanksgiving party ng co-star nila sa “Widows’ War” na si Bea Alonzo sa Quezon City.

Nakatakda na ring ihain ng abogado ng aktor ang counter-affidavit sa reklamo ni Rita.

Bilang patunay umano na walang nangyaring pambabatos ay kinausap umano ni Rita si Archie para magsumbong dahil tila pinagkakaisahan umano ito ng mga kasama sa party.

“Ang sabi ni Archie, hindi ka pinagkakaisahan. Sinasabihan ka lang para matuto kang maki-join sa kanila. So, ang tanong ni Archie, kung talagang binabastos ko siya ba’t siya sa akin lumapit para magsumbong,” sambit ni Cristy.

Dugtong ng writer-host: “Nagpaliwanag siya (Archie) lahat po ng kwentong ‘yan ay hindi nangyari. Hindi po totoo yan.”

Matatandaang sinampahan ni Rita ng kasong acts of lasciviousness si Archie makaraan siyang halikan at hawakan nito habang inihahatid siya pauwi ng kanyang bahay sa Cavite.