“GALIT” muna sa kanin at sa mga matatamis ang singer-actress na si Angeline Quinto makaraang madiskubre na mayroon siyang gestational diabetes.
Sa vlog, inamin ni Angge na na-stress siya nang malaman ang findings at natakot sa maaaring maging epekto ng sakit sa kanyang ipinagbubuntis.
“Siguro sa lifestyle, lalo na sa pagkain ko,” aniya. “Aminado naman ako na parang medyo wala akong control ngayon [sa pagkain], lalo na ang dami ko ring ginagawang work out-of-town tapos dito sa Manila.”
Sinabi ni Angeline na nagbawas na siya sa kain dahil sa bilin ng doktor.
“Nakakalungkot lang kasi sabi niya na pwedeng makaapekto kay baby, so dapat kailangan ko nang magbago ng lifestyle. Kailangan ko nang magbago kasi jusko ang lakas ko kasi sa kanin,” chika ni Angge.
“Basta disiplina lang at siyempre para kay baby talaga. Na-stress ako,” dugtong niya. Nagpakabit din ang singer ng Continuous Glucose Monitors (CGM) “para namo-monitor natin lagi at agad-agad ‘yung sugar natin kung mataas o mababa or kung name-maintain ang tamang sugar na kailangan.”
Ayon sa mga eksperto, ang gestational diabetes ay nadedebelop sa pagbububtis. “Like other types of diabetes, gestational diabetes affects how your cells use sugar (glucose). Gestational diabetes causes high blood sugar that can affect your pregnancy and your baby’s health,” paliwanag ng Mayo Clinic.