Angel Locsin: Totoo namang mataba ako

KIBIT-BALIKAT lang ang aktres na si Angel Locsin sa mga namba-bash sa kanyang katawan.


Sa isang panayam, sinabi ng aktres na wala siyang magagawa sa opinyon ng iba.


“Hindi ako nagsasalita kasi ano ang sasabihin ko? Iyon ‘yung opinyon nila sa sarili ko. Totoo naman, mataba naman talaga ako,” aniya. “Pero di naman masusukat nu’n kung sino ako.”


Sinabi din niya na masaya siya sa kanyang sarili. “Mahal ko ang sarili ko at nirerespeto ko ang sarili ko, dahil ang katawan na ito ay maraming pinagdaanan,” aniya pa.


Payo niya sa mga gustong magpapayat na gawin nila ito para sa kanilang mga sarili at hindi para sa iba.


“Kasi kahit anumang weight natin, kahit anong hitsura natin, you’re perfect, you’re you, you’re unique. Own it. We’re human. Tao lang tayo,” dagdag ni Angel. –A. Mae Rodriguez