Angel Locsin binisita batang naligtas sa landslide dahil sa ‘ref’

NAKILALA ni Angel Locsin si CJ Jasme, ang 11-taong-gulang na nakaligtas sa landslide sa Baybay City, Leyte makaraang magtago sa isang sirang refrigerator sa kasagsagan ng bagyong Agaton.

Nitong Lunes ay binisita ni Angel ang evacuation center sa Baybay City Senior High School at ang Immaculate Conception Hospital para magbigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo.

Isa sa mga binisita ni Angel sa ospital si CJ na nawalan ng mga magulang at bunsong kapatid sa pagguho. Tanging sila lang ng kuya niya ang nakaligtas.

Nakatakbo nang mabilis palayo sa gumuguhong lupa ang kanyang kuya habang si CJ ay pumasok sa isang sirang refrigerator upang makaiwas sa guho.

Nasagip ng mga otoridad si CJ na nagtamo ng bali sa kanang binti makaraan ang isang araw.

Ayon sa mga rescuer, ang unang sinabi ng bata nang madiskubre ito ay “Gutom ko kuya.”
Maliban kay CJ, kinausap at inalo rin Angel ang iba pang sugatan na survivor ng landslide.