SINUPALPAL ni Andrew E. ang ibang mga rapper na umaangkin umano sa titulong “Hari ng Rap.”
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Lunes ay tinanong si Andrew E. kung sino sa kanilang tatlo nina Francis Magalona at Gloc-9 ang dapat tawaging “King of Rap” ng Pilipinas.
“Ang sabi ni Francis M., kaming dalawa raw, e. So, let it be,” sagot ni Andrew E.
Matatandaan na binansagan ng isang pahayagan si Gloc-9 bilang “King of Rap” na ikinataas ng kilay ng mga supporters nina Francis M at Andrew E.
Sa isang post noong September, sinabi ng kampo ni Andrew na ang “Humanap Ka ng Panget” MC ang nag-iisang may hawak ng nasabing titulo.
Inisa-isa pa ng mga ito ang achievements ni Andrew E. gaya ng mid-1980s pa lang ay nagra-rap na ito, 1990 pa lang ay mayroon nang nailabas na rap album, at nasertipikahan ang nasabing album bilang platinum record.
Reaksyon naman ng anak ni Francis sa giriian sa titulo: “Wala sa metrics ang pagiging ‘King.’ Kung buhay pa tatay ko siya pa mismo magsasabi niyan. Kusa ka magiging ‘King’ pag tinuring ka na ng mga tao bilang hari.”