NAGDESISYON si TV host-actor Vic Sotto na ireklamo ng cyberlibel ang direktor na si Darryl Yap dahil sa pambu-bully na nararanasan ng anak na si Tali sa paaralan at sa mga banta sa bata at sa asawa na si Pauleen Luna.
Ayon sa legal counsel ni Sotto na si Atty. Buko dela Cruz, wala sa inisyal na plano ng “Eat Bulaga” host na kasuhan si Yap.
“Ang sabi po niya ay sanay na siya sa mga ganitong pakulo. Mga pakulo ito sa paglalayon na magbenta ang pelikula o programa. Normal ito,” ani dela Cruz sa panayam ni Cristy Fermin.
“Kaya lang ang sabi niya ang hindi niya matatanggap at kailangan na niyang palagan at umaksyon ay ‘yung kanyang asawa o pamilya ay nadadamay na,” dagdag nito.
Lahad ng abogado: “May mga threats na natatanggap ‘yung pamilya, lalung-lalo na sina Ms. Pauleen kung makikita ninyo ang nga comments na may mga threat na ire-rape.”
“Yes, may mga rape threats, may threat na ki-kidnapin ang anak at ‘yung bata binu-bully sa eskuwelahan. Ito ‘yung mga bagay na hindi matanggap ni bossing Vic na bakit pati ang pamilya ay nadadamay sa isang iresponsableng paghahayag ng mga bagay na wala naming katotohanan,” dugtong nito.