NAKIKIUSAP ang ama ni Alden Richards sa netizens na i-delete sa kanilang mga social media accounts ang mga larawan na kuha sa burol ng lolo ng aktor na si Danny.
Sa comment section ng Facebook post ng isa sa mga netizens, sinabi ni Richard Faulkerson na irespeto ang kanilang oras ng pagdadalamhati.
Dagdag niya, hindi pinahintulutan ng pamilya ang pagkuha at paglabas ng mga larawan sa publiko.
“No permission at all. Please delete. Thank you,” ani Faulkerson.
“Respect…please,” dagdag niya.
Makikita sa mga kumalat na larawan si Alden at mga kaibigan sa showbiz na nakikiramay gaya nina Kathryn Bernardo at Joross Gamboa.
Nakikiusap din ang mga Kathden supporters sa kanilang kapwa fans na itigil ang pagpapakalat sa mga larawan bilang paggalang sa privacy ng pamilya ni Alden.