KAKASUHAN ni Alex Gonzaga ang netizen na tinawag siyang baog kung hindi ito magpa-public apology.
Sa isang panayam, sinabi ni Alex na aasuntuhin niya ang netizen hindi para sa kanya kundi para sa mga kababaihan na dumaranas ng ganoong kondisyon.
“Hindi ako nasaktan personally. Pero parang tingin ko kailangan mag-stop `yon kapag sinasabihan kang baog!” paliwanag niya.
“Kasi kung ako lang, kaya ko naman, okay naman, kasi very okay naman ang sinasabi ng doctor ko. Pero what if may mga tao na very sensitive talaga sa kanila ang ganung isyu?” dagdag niya.
“Na para sa kanila, masakit talaga. May mga kakilala ako na they can’t even talk about it. Kasi ako, very casual ako na magkuwento tungkol doon. Pero may iba na very sensitive about it.”
Wika pa ni Alex: “So, naisip ko na dapat maging maingat, o sensitive tayo na gamitin ang mga salitang `yon sa mga kababaihan. Maraming inner struggles ang mga kababaihan. Hindi lang ako, ha!”
Sa kasalukuyan, dagdag ni Alex, ay humingi na sa kanya ng paumanhin ang netizen.
“Pero ngayon maglalabas siya ng kanyang statement. Pinapaayos lang naming ang [public] apology niya. Gusto ko talaga na maging conscious na tayo sa ganyan.”
“Kung ako lang, pinatawad ko na siya. Kailangan na lang niyang ayusin ang public apology niya,” sambit pa ni Alex.