Aktor inabuso ng pari, ayaw nang tumuntong ng simbahan

ISINAPUBLIKO ni VMX actor na si Victor Relosa na inabuso siya ng isang pari noong nagsasakristan siya sa edad na 12.

Sa isang panayam, isiniwalat ni Victor na gaya nina Sandro Muhlach at Gerald Santos ay naging biktima siya ng panggagahasa pero hindi tulad ng dalawa ay wala siyang nahingian ng tulong.

Kuwento niya, nasa first year high school siya nang molestiyahin ng pari noong 2011.

“I was raped by a priest. Grade 6 or first year high school po yata ako noon,” sabi niya.

“Mahirap po kapag bata ka, lalo na po independent po ako. So, wala po akong matakbuhan. Wala po akong malapitan. So, sinarili ko na lang,” dagdag ni Victor.

Ayon sa aktor, mag-isa lang siya sa buhay noon dahil hiwalay ang kanyang mga magulang at may kanya-kanya nang pamilya.

“Wala po (mapagpasabihan). Kahit relatives, pinsan, tito, tita, wala po akong kakilala. Mom and dad ko lang po ‘yung kakilala ko. Kasi parang hindi okay ‘yung sides nila, so inilayo nila ako sa lahat. Lumaki akong silang dalawa lang ang kakilala ko. Noong naghiwalay sila, wala po akong relatives na nalalapitan,” sabi pa niya.

Ito ang rason, ani Victor, kung bakit hindi na siya tumutuntong ng simbahan mula noon.

“Christian po ako pero hindi po ako nagtse-church…pero nagdarasal po ako. Maka-Diyos po ako, hindi lang po ako maka-simbahan,” sambit niya.

“Parang feeling ko, kapag pumupunta ako ng simbahan, lalo lang akong napapalayo sa Diyos,” dugtong niya.

Gayunman, inamin ni Victor na napatawad na niya ang pari.

“Masyado po akong busy sa lahat ng blessings na dumadating po sa buhay ko para balikan pa iyong mga pait ng nakaraan. So, okay na po. Napatawad ko naman na po siya,” lahad ng aktor.

Ilan sa mga pelikula ni Victor ang “Litsoneras”, “Kamadora,” “Lagaslas,” “Halo-halo X” at “Mama’s Boy”.