NAINSULTO ang aktor na si Ahron Villena sa pahayag ng isang direktor kaugnay sa pang-aabuso ng mga makapangyarihang mga indibidwal sa showbiz sa mga baguhang artista.
Ani Ahron, sa tono ng sinabi ng direktor, na hindi niya pinangalanan, ay dapat ipagmalaki pa ng mga artista na naabuso sila.
“Parang may mali sa mga sinabi eh. Parang dapat maging proud ka pa pala,” sambit niya.
Bago ito, isinapubliko ng aktor ang sama ng loob niya nang mabasa ang quote mula sa nasabing direktor ukol sa kalakaran sa showbiz.
“Nagsalita pala ‘etong direktor na ‘eto na matagal na daw nangyayari ‘yung mga ganu’ng scenario? E, kung sabihin ko kaya na isa ako du’n sa artistang na-exploit at ikaw ‘yun!” paglalahad niya.
“Tandang-tanda ko ‘yung kelangan ko mag-plaster sa eksena. Cameo role lang ako at may tumutulong na sa akin sa production pero pumasok ka sa CR at pinaalis mo siya,” kuwento niya.
“Ang sabi mo pa, ‘Dapat hindi ka nagpapalagay sa kanila, ako na dapat maglalagay niyan.’ Wala namang problema sa akin pero ilang beses mo tinatamaan at dinidikit ‘yung kamay mo,” dugtong ni Ahron.
“Wala umanong nagawa si Ahron kundi sumunod dahil “baguhan pa lang ako noon” at “kailangan ko ding kumita.”
Payo niya sa direktor: “Sana tahimik ka na lang din. Kahit noon o ngayon never naging tama ang gawaing ganun. Kung totoo man o hindi, hindi mo dapat itolerate ung mga ganoong bagay.”