HINATULANG makulong ng mula anim na buwan hanggang apat na taon ang Bulgar entertainment editor na si Janice Navida at ang columnist na si Melba Llanera kaugnay sa isinampang libel laban sa kanila ni 2018 Miss Universe Catriona Gray.
Karagdagang anim na buwan hanggang limang-taon na kulong ang hinaharap ni Llanera na napatunayan ding guilty without reasonable doubt sa hiwalay na kasong cyber libel.
Sa 12-pahinang desisyon ni Acting Presiding Judge Evangeline Cabochan-Santos ng Quezon City Regional Trial Court, napatunayan na mapanira at may malisya ang inilathalang ulat ng Bulgar noong July 2020.
Matatandaan na sa official Facebook page ng Bulgar noong July 18, 2020 ay nakalathala ang isang teaser na may titulo na “After ng bantang pasabog ni Clint… NUDE PHOTOS NI CATRIONA, KALAT NA!”
Kalakip nito ang mga cropped photos ng babae na naka-topless at naka-swimsuit. Sa sumunod na araw ay lumabas ang news item sa Bulgar tabloid na may kaparehong headline at larawan.
Ayon sa prosekusyon, ang babae na naka-swimsuit sa cropped photos na inilathala sa Facebook page at sa mismong pahayagan ay si Catriona. Kuha ang mga larawan sa TV advertisement ng isang clothing brand.
Itinanggi naman nito na ang beauty queen ang babaeng naka-topless.
Pahayag ng prosekusyon, lubos na naapektuhan si Catriona sa ulat nina Navida at Llanera.
Kinatigan ng korte ang mga iprinisentang ebidensya ng kampo ni Catriona at iginiit na “defamatory” at “malicious” ang inilathala ng Bulgar.
“All told, the court is morally convinced beyond reasonable doubt, and thus finds with the guilt of the accused having been established by the prosecution’s evidence with moral certainty,” ayon sa dalawang-pahinang desisyon.
Kaugnay nito, sinabi ng mga akusado na iaapela nila ang desisyon sa mas mataas na hukuman.
“Bilog ang universe. Hindi pa tapos ‘to. Tuloy ang laban para sa katotohanan,” ayon kina Navida at Llanera sa joint statement.
“Bahagi na ng buhay naming mga mamamahayag ang demanda at hindi na bago ito…Maaaring hindi natin makamit ang pagsang-ayon ng lahat sa panahong ito ngunit patuloy tayong naniniwala na sa takdang panahon, katotohanan din ang magtutuwid ng lahat,” dagdag nila.