HINDI sumipot ang mga GMA independent contractors na sina Richard “Dode” Cruz at Jojo Tawasil Nones sa pagdinig ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kasong kriminal na isinampa laban sa kanila ng young actor na si Sandro Muhlach.
Dumalo naman sa hearing ang kanilang legal counsel na si Atty. Maggie Garduque para ihain ang joint counter-affidavit nina Cruz at Nones.
Sa affidavit, tigas sa pagtanggi ang dalawa sa mga alegasyon ng pang-aabuso kay Sandro.
“At the onset naman sinabi namin na there is an absolute denial of the allegations being accused of our clients. So may denial talaga,” ani Garduque sa panayam ng media.
Ipinaliwanag din ng abogado ang hindi pagharap ng kanyang mga kliyente sa pagdinig ng NBI Public Corruption Division.
“Ang NBI naman there’s just still processing the evidence. So hindi pa po talaga ‘to considered as kaso,” aniya.
Kaugnay nito, sinabi ni Garduque na apektado na ang mental at physical health nina Cruz at Nones dahil sa panghuhusga sa kanila ng publiko.
“Kung kilala n’yo naman itong dalawa mga clients namin, they’ve been in the television industry for more than 30 years,” pahayag ng abogada.
“Naging malinis po ang reputasyon. So this is very destroying to their reputation, sobrang nakakaapekto sa mental health nila ngayon,” dagdag ni Garduque.
Wala naman siyang sagot kung dadalo sina Cruz at Nones sa susunod na Senate hearing matapos silang i-subpoena sa hindi nila pagpunta sa pagdinig ng Committee on Public Information and Mass Media ni Sen. Robin Padilla.