TODO-TANGGI ang mga vendors sa Virgin Island sa Panglao, Bohol na “overpriced” ang mga ibinebenta nilang pagkain sa mga turista taliwas sa pahayag ng netizen na nagreklamo makaraan silang singilin ng P26,000 para sa seafood lunch.
Sa ulat, klinaro ng vendor na mismong naghain ng pagkain sa nagrereklamong netizen na ilang putahe para sa 13 katao ang kanilang inihain kaya umabot sa P26,000 ang bill ng mga ito.
Ayon sa vendor, hindi totoo na tinataga nila ang turista na nagpupunta sa isla. Dagdag niya, konti lamang umano ang tinubo nila sa mga kinain ng nasabing grupo.
Aniya, dapat isalang-alang ng mga turista na tataasan nila nang bahagya ang mga presyo ng kanilang mga pagkain dahil inangkat pa nila sa mainland ang mga ginamit na sangkap.
Nangangamba naman ang vendor na sa ginawang pagrereklamo ng netizen ay baka mawalan sila ng kabuhayan.
Matatandaan na isang netizen ang nag-upload sa Facebook ng mga larawan ng kanilang seafood lunch at ang bill na umabot sa mahigit P26,000.
“Ingon ani na diay kamahal ang pagkaon sa virgin island, bohol??? Just airing the sentiments of my friend who recently enjoying their vacation in bohol.. pero na shock cla sa ila bill.. mahal pa sa buffet sa HENNAN resort….. pls note : 13 pax cla lahat,” caption nito.