Tricycle nilamon ng bangin; 15 pasahero sugatan

NASUGATAN ang 15 katao nang mahulog sa bangin ang sinasakyan nilang tricycle sa San Miguel, Catanduanes.

Ayon sa pulisya, 14 sa mga biktima ay mga menor de edad, na ang pinakabata ay 3-anyos.

Nagtamo ng pinsala sa ulo at katawan ang mga biktima, na ginagamot sa Eastern Bicol Medical Center.

Sakay ang mga bata, mga residente ng Brgy. Progreso, ng tricycle na minamaneho ni Vincent Morales, 33, at patungong Brgy. Mabato nang maganap ang insidente.

Napag-alaman na binabaybay ng tricycle ang national highway nang mawalan ng kontrol ang driver sa isang kurbadang bahagi ng kalsada.

Dumire-diretso ang tricycle sa bangin na may lalim na 10 metro.

Agad namang nakaresponde ang mga otoridad at naitakbo ang mga biktima sa ospital.