IPINAG-UTOS ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang suspensyon ng operasyon ng pagmimina sa Sibuyan Island, Romblon sa harap naman ng umano’y mga paglabag ng mining company.
Kasabay nito, nagpalabas si DENR MIMAROPA Regional Director Joe Amil Salino ng apat na notice of violation laban sa Altai Philippines Mining Company (APMC).
Ayon kay Salino, kabilang sa mga nilabag ng APMC ay ang Presidential Degree (PD) 1067 o Water Code of the Philippines; paglabag sa Department Administrative Order (DAO) 2004-24; paglabag sa section 4 ng PD 1586 at paglabag sa section 77 ng PD 705.
Sa isang dalawang pahinang sulat ni Salino kay APMC Chairman at President Hanniel Ngo, inatasan din niya itong magpaliwanag kung bakit hindi dapat patawan ng multang P50,000 dahil sa mga notice of violation.
Samantala, sinabi ng Alyansa Tigil Mina na magpapatuloy ang barikada sa lugar hanggat hindi umaalis ang mga barge at barko ng APMC sa lugar.