SUMURENDER sa pulisya ang isa sa mga suspek sa pagpatay sa dalagang Japanese national at ina nitong Pinay sa Tayabas City, Quezon kamakailan.
Ayon sa pulis, ang suspek ay kapatid ng biktimang si Lorry Litada, 56 at tiyahin ni Mai Motegi, 26.
Hindi sinabi sa ulat kung lumutang din ang asawa ng suspek.
Matatandaan na nilayasan ng mag-asawa ang kanilang bahay sa Bella Vita Subdivision, Brgy. Isabang, Tayabas City makaraang maiulat na nawawala ang mag-inang Litada at Motegi noong February 21.
February 20 nang dumating ng Pilipinas mula Japan ang mag-ina at nakituloy sa bahay ng mga suspek.
Nitong Huwebes ng hapon, nadiskubre ang katawan ng mga biktima na nakalibing sa bakanteng lote malapit sa bahay ng mga suspek. Napag-alam ng pulisya na nawawala ang P5 milyon ng mga biktima na ipambabayad sa kanilang nabiling lupa sa isang bayan sa Quezon.
Base sa ulat, sumuko nitong Biyernes ang suspek sa mga otoridad sa Pio Duran, Albay kung saan sila nagtago ng kanyang asawa.
Bago ito ay humingi ng tulong sa pulisya ang anak ng suspek para maproseso ang pagsuko ng ina.
Napag-alaman na tubong-Naga ang pamilya ni Litada. Sa kasalukuyan ay nasa kustodiya na ng Tayabas City police ang suspek.