NAGHAIN ng kanyang certificate of candidacy ang self-confessed drug lord na si Rolan “Kerwin” Espinosa sa bayan ng Albuera sa Leyte.
Ang posisyon na kanyang tatargetin ay siyang puwesto na hawak din dati ng kanyang ama na pinatay dahil din sa isyu sa droga.
Sa kanyang social media post, ibinahagi ni “Care Win” Espinosa ang larawan niya na hawak ang kopya ng kanyang COC noong Okt. 1
Kasama rin sa larawan ang kuha ng kanyang mga supporters na sumama sa kanya sa paghahain ng COC at mga kasamahang kandidato mula sa Bando Espinosa-Pundok Kausaban (BE-PK) party.
Lalabanan ni Kerwin ang incumbent mayor na si Sixto dela Victoria.
Matatandaan na pinalaya si Kerwin matapos ibasura ng Regional Trial Court sa Baybay City ang kasong isinampa laban sa kanya sa kakulangan ng ebidensiya.
Isa siya sa mga pinangalanan ng dating administrasyon na sangkot sa ilegal na droga sa Eastern Visayas noong 2016.
Dawit din ang kanyang ama na si dating Mayor Rolando Espinosa Sr. sa ilegal na droga matapos masamsam ang P11 milyong halaga ng shabu malapit sa kanilang tahanan sa bayan ng Albuera.
Sumuko ang matandang Espinosa at kinalaunan ay napatay habang nakakulong sa kanyang selda sa Baybay City.