Rebel leader, 4 iba pa patay sa Masbate raid

NASAWI ang isang local leader ng New People’s Army at apat niyang kasamahan matapos ang raid sa Mandaon, Masbate, Linggo ng umaga.

Sinubukan umanong ihain ang arrest warrant laban kay Eddie/Arnold Rosero, platoon leader ng Larangan 1, Komiteng Probinsiya-4, at kanyang mga kasamahan sa barangay Bugtong alas-5:30 ng umaga, ngunit nanlaban ang mga ito.

Ang warrant ay para sa mga kasong murder, attempted murder at iba pang kasong kriminal.

Isa sa mga kasong isinampa kamakailan laban kay Rosero at 23 iba pa ay ang landmine at gun attack na isinagawa ng mga ito sa Masbate City noong Hunyo 6 na ikinasawi ng football player na si Kieth Absalon at pinsan nitong si Nolven.

Patuloy na inaalam ng pulisya ang pangalan ng iba pang mga napatay sa raid.