Pulis nang-rape ng quarantine violator, sibak

IPINAG-UTOS ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar ang pagsibak sa pulis na nanggahasa umano ng quarantine violator sa Bataan.


Nahaharap si Pat. Elmer Tuazon Jr. at Armando Dimaculangan, marshal team leader sa checkpoint sa Brgy. Batangas 2, Mariveles, sa mga kasong rape at acts of lasciviousness.


“Humihingi ako ng paumanhin sa biktima at sa kanyang pamilya dahil sa kanyang sinapit at tinitiyak ko sa inyo na makakamit ninyo ang hustisya dito,” ani Eleazar.


“Makakatiyak din ng agarang aksyon ang ating mga kababayan laban sa mga tiwali sa aming hanay kaya nakikiusap din ako na huwag sanang lalahatin ang kapulisan dahil iilan lamang ang mga ito at higit na mas nakakarami ang mga pulis na handang tumulong at gumagawa ng tama sa ngalan ng police service,” dagdag ng opisyal.