INIULAT ng Department of Agriculture na umabot na sa P1.13 bilyon ang pinsalang dulot sa agrikultura ng mga pag-ulan at pagbaha bunsod ng shear line, low pressure area (LPA), at Northeast Monsoon sa MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Caraga regions.
Base sa pinakahuling datos ng DA, kabilang sa mga apektado ay 52,259 magsasaka, kung saan umabot sa 18,663 metric tons (MT) ang nawala matapos mabaha ang 57,561 ektarya ng mga taniman.
Ayon sa DA, pinakamalaking pinsala ay naitala sa mga palayan kung saan umabot sa P945.8 milyon ang pinsala.
“Affected commodities include rice, corn, cassava, high value crops, and livestock and poultry,” ayon sa DA.
Bukod sa palay, kabilang sa mga naitalang pinsala ay mais, P129.5 milyon; high value crops, P48.48 milyon; babuyan at manukan, P1.77 milyon at cassava, P447,900.