NAGBABALA ngayong Miyerkules si Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) officer-in-charge (OIC) Undersecretary Renato Solidum na posibleng sumabog ang Taal Volcano sa harap ng nangyayaring aktibidad nito.
Sa isang panayam, sinabi ni Solidum, bagamat nasa alert level 2 pa rin ang Taal Volcano, maaaring maranasan ang muling mapanganib na pagsabog nito.
“Dalawa ang pagsabog na pwede nating paghandaan, una, dahil nga sa masyadong mainit ang lawa ng Taal, pinapakuluan niya yung tubig, posibleng magkaroon ng phreatic, stream-driven explosion, diyan lang naman sa isla ang epekto pero kapag biglang umakyat ang magma, mas malala pa ang explosion, so babantayan natin ang magmatic eruption o yung paglabas ng magma,” sabi ni Solidum.
Idinagdag ni Solidum na nagpapakita ang Taal Volcano ng mga aktibidad bago ang nangyaring pagsabog nito noong Enero 2020.
“Noong January (2020), nagsimula siya sa maliit na steam-driven explosion dahil nga natanggal yung takip biglang umakyat ang magma, at naging malakas ang pasabog,” dagdag ni Solidum.
Kasalakuyang nasa Alert Level 2 ang nasabing bulkan.