SINABI ni Senator-elect at Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero na hindi matiyak ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kung muling sasabog ang Mt. Bulusan sa Sorsogon matapos ang naitalang phreatic explosion noong Linggo.
Sa isang briefing sa Sorsogon, idinagdag ni Escudero na batay sa pakikipagpulong niya sa mga opisyal ng Phivolcs Linggo ng gabi, walang maibigay na konkretong sagot ang ahensiya kaugnay ng pag-aalburuto ng Mt. Bulusan,
“Sa haba ng debate namin sa Phivolcs kagabi, hindi sila makapagbigay ng magandang prognosis o assurance kaugnay ng dapat namin i-expect sa mga susunod na araw. So, kung sila ganun, sila ang scientist, kami hindi, siguro ganun lang din ang pinakamagagawa namin, mag-antay lamang at mag-antabay, magmonitor kung muli nga bang puputok o maglabas ng abo ang Bulusan,” sabi ni Escudero,
Idinagdag ni Escudero na ang ito ang ika-39 na pagsabog ng Mt. Bulusan, kung saan naitala ang unang pagsabog noon 1852.
“Sana hindi na kasing lakas sa nagdaang panahon, pero sa nakita namin sa nagdaang panahon, malakas-lakas ito ng konti, at iiyong mga susunod, ay hindi na ganun kalakas,” aniya.
Alas-10:37 ng umaga ng Linggo nang maitala ang pagsabog ng Mt. Bulusan na tumagal ng 17 minuto.
“Kumpleto ang equipment nila (Phivolcs) pero sabi nila, itong Bulusan ay unique, puputok na lamang bigla daw nang walang pasubali man lamang, o datos man lamang,”ayon pa kay Escudero.
Tiniyak naman ni Escudero ang kahandaan ng pamahalaan sakaling pumutok muli ang bulkan.