TINATAYANG nasa 75 katao na ang nasawi dahil sa pananalasa ni typhoon Odette, ayon sa opisyal na bilang kasabay ang patuloy na operasyon para makapagdala ng pagkain at iba pang tulong sa mga nasalanta.
Nasa 300,000 katao rin ang inilikas mula sa kanilang mga tahanan sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyo sa maraming bahagi ng Visayas at Mindanao.
Maraming pananim at maging mga gusali rin ang sinira ni Odette.
Sa Bohol, ayon kay Governor Arthur Yap, may 49 katao ang naiulat na nasawi mula sa iba’t ibang bayan ng probinsiya.
Bukod dito, may 10 pang nawawala habang 13 ang sugatan. Idineklara na rin ang state of calamity sa lalawigan.
Hanggang ngayon ay bagsak pa rin ang komunikasyon sa lalawigan at tanging 21 mayors mula sa 48 bayan ang nakakausap niya, ayon kay Yap, kasabay ang pangamba na maaring tumaas pa ang bilang ng mga nasawi sa kanilang lalawigan.