P408M shabu sa tea bags kumpiskado; 2 arestado sa Pampanga

NAKUMPISKA ng pulisya ang may P408 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isang operasyon sa Mexico, Pampanga nitong Miyerkules, na ikinaaresto rin ng dalawang suspek.

Kinilala ang mga naaresto na sina Wenjie Chen, 45 at Sy Yan Qing, 42, kapwa naninirahan sa Angeles City.

Ayon sa report, inaresto ang dalawa sa isang gasolinahan sa North Luzon Expressway sa Mexico ala-1:45 ng hapon.

Bumili ang mga operatiba ng limang kilo ng shabu mula sa suspek na nakalagay sa mga tea bags gamit ang tig-P1,000 marked money.

Matapos maaresto sa buy bust, nakumpiska pa sa mga ito ang 55 tea bags na naglalaman din ng shabu. Aabot sa P408 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang illegal drugs.