AABOT sa P2.72 bilyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isinagawang buy-bust operation ngayong araw sa Pangasinan at La Union.
Unang ikinasa ang operasyon sa Turquoise St. Sunshine Village, sa bayan ng Pozorrubio, Pangasinan alas-11:30 ng umaga na ikinaaresto ng Chinese na si Ke Wujia alias James Galopo, 49, at tatlong Pinoy na sina Johnbert Yagong, 22; Jenson Rey Yago, 29 at Ritchell Repuesto, 28.
Nakuha sa mga suspek ang 360 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P 2.448 bilyon, at ilan pang mga gamit kabilang na ang buy-bust money.
Matapos ito ay isang followup operation ang isinagawa sa Ilang ilang st. Brgy. Poro, San Fernando, La Union alas-12:45 ng hapon na nagresulta naman sa pag-aresto kina Romel Leyes, 38; at John Paul Repuesto, 18.
Nasamsam mula sa dalawa ang 40 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng halos P300 milyon. – John Roson