P1.5B shabu nasamsam sa Cavite; 2 patay, 2 arestado

DALAWA ang nasawi habang dalawa pa ang inaresto ng pulisya matapos ang isang buy-bust operation sa Cavite Huwebes ng gabi na nagresulta rin sa pagkakakumpiska sa P1.5 bilyong halaga ng shabu.

Kinilala ang mga nasawi na sina Basher Bangon at Danilo Untavar sa operasyon sa Bacoor City, ayon sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency and Cavite provincial police.

Napatay ang dalawa alas 9:27 ng gabi sa Springville Executive 1, barangay Molino III matapos ang bentahan ng isang kilo ng shabu. Nanlaban umano ang mga suspek matapos magdeklara ang mga operative ng pag-aresto.

Nasamsam pa ang karagdagang 180 kilo ng shabu mula sa mga suspek.

Bago ito, dalawa pa ang naaresto sa hiwalay na opeasyon sa Imus City.

Nakuha sa mga suspek na sina Lani Micoleta at Aldwin Micoleta ang may 48 kilo ng hinihinalang shabu sa operasyon na naganap alas 9:15 ng gabi.