KINUMPIRMA ng isang provincial agriculturist ng Nueva Vizcaya ang nag-viral na larawan kung saan itinapon ang mga kamatis.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Nueva Vizcaya Provincial Agriculturist Absalom Rizal Baysa na umabot sa 23 crate ang itinapon dahil sa hindi na maibenta ang mga nasabing kamatis na pawang nabulok na lamang.
Niliwanag naman ni Baysa na ito ay pinagsama-sama nang kamatis mula sa trading post sa Nueva Vizcaya Agricultural Trade (NVAT) sa lalawigan.
Aniya, base sa imbestigasyon ng Department of Agriculture (DA), binayaran ng pamunuan ng NVAT ang isang tricycle driver na idispatsa ang mga bulok na kamatis.
Ayon kay Baysa, nakuhaan ng isang netizen ang kamatis matapos na matiyempuhan.
“Ayon sa manager ng NVAT, yung natitira na hindi nabibili, nilalagay sa isang sulok, nagha-hire sa tricycle na magtatapon,” sabi ni Baysa.
Idinagdag ni Baysa na humihingi na ang lalawigan sa DA ng listahan ng mga produkto ng ibang lalawigan para maiwasan ang oversupply.
“We have no linkages with other provinces kung ilan yung tinatanim nila, that is why we are requesting the assistance of the DA, national government, to give us information also, so that we could address the oversupply, kung saan yung plantation area at nagkukulang ang produkto na pwede nating ibenta,” ayon pa kay Baysa.