Obrero utas sa Russian roulette ng katrabaho

PATAY ang construction worker makaraang itututok at iputok sa kanya ng katrabaho ang baril na nilalaro nito sa Lemery, Batangas nitong Martes ng gabi.


Dead on the spot si John Lenard dahil sa tama ng bala sa ulo.


Nasakote ang suspek na si John Edward Constantino ilang oras matapos ang pagpatay. Nahaharap siya sa kasong homicide.


Ayon sa ulat, nag-iinuman ang dalawang John at kasamahan nilang sina Arnold Gamboa at alyas Aaron sa kanilang barracks sa Brgy. Calihan Dos.


Nang malasing alas-6:30 ng gabi ay bumunot ng kalibre-.38 baril si Constantino at pinaglaruan ito.


Maya-maya pa ay nilagyan ng isang bala ng suspek ang baril saka pinaikot ang cylinder, itinutok kay Lenard saka kinalabit ang gatilyo.


Tumakas ang suspek nang makitang napuruhan ang biktima, pero naaresto siya makaraan ang ilang oras sa bayan ng Sta. Teresita.