MARAMI pa rin ang mga turistang na-stranded sa Siargao matapos ang hagupit ng bagyong Odette, ayon kay Vice President Leni Robredo.
Ito ang naging pahayag ng bise-presidente matapos niyang bisitahin ang isla.
Nanawagan naman si Robredo sa mga airlines na dagdagan ang biyahe patungong Siargao upang tulungan ang mga biktima ng bagyo.
“Wala pa masyadong dumadating na tulong doon. Maraming mga turista ang stranded kaya magtatawag po kami ngayon sa mga airlines na kung puwede padagdagan ang flights,” ayon kay Robredo.
“Walang kuryente. Malapit na silang maubusan ng pagkain. Nabasa ‘yung lahat na bigas na prepositioned sana nila,” dagdag pa niya.
Sinabi rin niya na wala pa ring signal sa mga lugar na napuntahan niya tulad ng Surigao City, Dinagat Islands, at Southern Leyte.
“The trip was a challenge because all communication lines are still down in these places and there are still many places that are hard to reach,” sinabi ni Robredo.
Sinabi ni Robredo na nakikipag-ugnayan na ito sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan para sa mga relief goods.