Media attack: Isa pang journalist binaril sa Cebu

SUGATAN ang correspondent ng Daily Tribune matapos siyang barilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang sakay ng pampublikong sasakyan Huwebes ng hapon sa Cebu City.

Kinilala ang biktima na si Rico Osmeña na isa ring blocktimer sa local radio station na DYLA.

Isa pang biktima, na hindi agad nakilala, ang nasugatan din matapos madaplisan ng bala.

Naganap ang pamamaril alas 12:30 ng tanghali habang sakay ang mga biktima ng mini bus sa Urdaneta street corner MJ Cuenco. Isa sa dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang bumaril kay Osmeña.

Ayon sa pulisya, isa sa mga tinitingnang anggulo sa pag-atake ay kung may kinalaman ito sa kanyang trabaho bilang mamamahayag.