Marilao mayor todas sa aksidente

NASAWI si Marilao Mayor Ricardo Silvestre nang bumangga ang sinasakyan niyang SUV sa poste ng kuryente sa Mabalacat, Pampanga nitong Linggo ng gabi.

Naitakbo pa sa ospital si Silvestre pero hindi na naisalba ng mga doktor ang kanyang buhay. Nagtamo siya ng matinding pinsala sa katawan.

Base sa imbestigasyon, binabagtas ni Silvestre ang Prince Balagtas Ave. sa Clark Free Port Zone alas-6 ng gabi nang bigla itong napakabig at bumangga sa poste.

Sa lakas ng impact, nawasak ang harapan ng sasakyan at nabuwal ang poste.

Nagpaabot na ng pakikiramay si Bulacan Gov. Daniel Fernando sa pamilya ni Silvestre.

“Mayor RS, tanggapin mo ang parangal ng mga kalalawigang iyong minahal at pinaglingkuran hanggang sa huling sandali ng iyong buhay–paalam at salamat sa ating pagkakaibigan, sa inspirasyon ng iyong pamumuno, at sa lahat ng mabubuting taon ng paglilingkod sa minamahal mong bayan ng Marilao, at lalawigan ng Bulacan,” mensahe naman niya sa nasawing alkalde.