TINIYAK ni Pangulong Bongbong Marcos ang tulong sa mga biktima ng magnitude 7.0 na lindol sa Abra matapos ang ginawa niyang pagbisita sa lalawigan kaninang umaga para kumustahin ang mga nasugatan sa pagyanig.
“‘Yun ang aming tinitiyak, ‘yun ang aming pinagkakaabalahan na makasiguro tayo na… Eh natamaan na nga kayo ng lindol, hindi na dapat dagdagan pa ang inyong kahirapan,” sabi ni Marcos.
Idinagdag ni Marcos na mismong si Social Welfare Secretary Erwin Tulfo ang nangako na ibibigay sa mga residente ang lahat ng kanilang pangangailangan habang nasa evacuation center.
“Tinitiyak natin ni Secretary Tulfo na lahat ng pangangailangan ninyo habang kayo ay nandito pa sa evacuation center ay maibibigay — mga pagkain, mga kung ano man ang mga kailangan pa ninyo,” dagdag ni Marcos
Bumisita si Marcos sa Abra isang araw matapos maranasan ang magnitude 7.0 na lindol sa Abra at iba pang lugar sa Northern Luzon.