Mag-asawa pinatay ng anak


NAHAHARAP sa kasong parricide ang 43-anyos na lalaki na pinatay umano ang kanyang mga magulang sa Bogo City, Cebu nitong Martes.


Ayon sa pulisya, natagpuang walang buhay ang mag-asawang Virgilio at Angela Nunez, 76 at 75, sa kanilang bahay sa Brgy. Cogon.


Nagtamo ang babae ng sugat sa ulo habang pinaniniwalaang namatay sa atake sa puso ang lalaki.


“Nakita siguro nung ama ‘yung commotion ng asawa niya at ‘yung anak. Nakita niya na sinaktan ‘yung asawa niya, doon siya siguro inatake,” sabi ng imbestigador.


Naniniwala ang mga otoridad na hinampas ng matigas na bagay ang babaeng biktima na ikinamatay niya.


Wala namang ibang suspek ang pulisya maliban sa anak ng mga biktima na si Joseph, 43, na kasama nila sa bahay.


May sakit sa pag-iisip ang lalaki.


Ayon sa ulat, nagkaroon ng argumento ang magkapamilya Lunes ng gabi kaya rumesponde ang mga barangay tanod para payapain si Joseph.


Kinabukasan ay nadiskubre ng kapitbahay na tanod ang katawan ng mga biktima.
Agad dinakip at ikinulong ang suspek.