LGBTQ member kinatay ng umbagerong BF; ina kritikal

SINAKSAK at napatay ng isang lalaki ang karelasyon niyang miyembro ng LGBTQ community makaraan siyang hiwalayan nito noong bisperas ng Bagong Taon sa Cebu City.

Idinamay pa ng suspek na si Jumbe Olarita, 27, ang ina ng biktimang si Alain Paul Englis, 39, na si Emma, 70, na nagtamo ng saksak sa katawan at nasa kritikal na kondisyon sa ospital.

Dead on arrival sa ospital si Englis dahil sa mga sugat sa katawan, ayon sa pulisya.

Nasakote ng taumbayan si Olarita ng Brgy. Cabancalan sa Mandaue City nang tangkain nitong tumakas matapos ang pananaksak.

Base sa imbestigasyon, nagtungo si Olarita sa bahay ni Englis sa Brgy. Bacayan sa Cebu City upang doon salubungin ang Bagong Taon.

Pasado alas-7 ng gabi ay nag-away ang dalawa dahil gusto nang tapusin ni Englis ang kanilang dalawang-taong relasyon bunsod ng umano’y pananakit na nararanasan niya sa boyfriend.

Sa gitna ng away, dumampot ang suspek ng patalim at paulit-ulit na sinaksak ang biktima.
Tinangkang awatin ng ginang ang suspek pero maging siya ay tinarakan nito.

Matapos ang insidente ay lumabas ng bahay ang suspek pero nakaabang na ang mga kapitbahay ng mag-ina.

Itinakbo sa ospital ang mga biktima pero hindi na umabot nang buhay si Englis.

Nakadetine naman sa Talamban police station ang suspek at nahaharap sa mga kasong homicide at frustrated homicide.